Ang HIV o Human Immunodeficiency Virus ay isang virus na nagdudulot ng sakit na AIDS o Acquired Immune Deficiency Syndrome. Ito ay isang uri ng virus na sumisira ng immune system ng tao, dahilan para madaling tamaan ng mga sakit. Ang isang paraan na ang HIV ay nakakahawa ay sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa taong may ganitong impeksyon, subalit madali itong maiiwasan sa pamamagitan ng safe sex tulad ng pagamit ng condom.
Sa pamamagitan ng HIV testing ay malalaman kung positibo ang isang tao sa pagkakaroon ng HIV. Maaaring kumonsulta sa mga Social Hygiene Clinics, o kaya naman ay gumamit ng HIV testing kits online.
Ang HIV ay Nagdudulot ng AIDS
Ang HIV ay sumisira ng cells ng katawan na siyang dapat panlaban sa mga sakit. Kapag ang mga cells na ito ay nangaunti at naubos, ang taong may HIV ay mas madaling tamaan ng mga sakit na dapat ay madali nitong nalalabanan.
Karamihan ng mga taong may HIV ay walang sintomas na tumatagal ng ilang taon, at nagkakaroon ng normal na pakiramdam, na dahilan upang di agad malaman na meron na silang ganitong karamdaman.
Kapag ang isang tao ay may HIV, ang virus na ito ay mananatili na sa katawan panghabangbuhay. Sa kasalukuyan, wala pang lunas sa HIV, ngunit may mga gamot upang mapanatiling malusog ang may ganitong karamdaman. Ang mga gamot na ito ay nagpapababa ng posibilidad na maihawa ang virus sa ibang tao.
Ang pagpapagamot ay mahalaga kaya importante ang HIV testing. Kapag hindi naagapan ng pagagamot, ang HIV ay pwedeng humantong sa AIDS. Sa tulong ng mga gamot, ang mga taong may HIV ay napapahaba ang buhay, napapanatiling malusog, at napipigil ang pagkalat ng HIV sa iba.
Kaibahan ng HIV at AIDS
Ang HIV ay ang virus na nagdudulot ng AIDS. Ang HIV at AIDS ay magkaibang bagay. Hindi lahat ng taong may HIV ay nagkakaroon ng AIDS.
Sa pagdaan ng panahon, sinisira ng HIV ang isang importanteng cell na panglaban sa mga sakit. Ang cell na ito ay tinatawag na CD4 cells o kaya ay T-cells, na siyang tumutulong na lumaban sa mga anumang impeksyon. Kapag kakaunti ang CD4 cells, ang iyong katawan ay nahihirapang lumaban sa mga impeksyon na dapat ay madaling nalalabanan.
Ang AIDS ay sakit na dulot ng pagkasira ng immune system dahil sa HIV. AIDS ang tawag kapag nagkaroon ng malulubhang impeksyon, o kaya ay napakababa ng CD4 cells ng katawan. Ang AIDS ang pinakaseryosong antas ng HIV, na nauuwi sa pagkamatay.
Kapag hindi nagamot, kadalasan ay umaabot sa sampung taon (10 years) para sa isang taong may HIV para magkaroon ng AIDS. Sa pamamagitan ng pagagamot, pinapabagal nito ang pinsala na nagagawa ng virus at tumutulong upang manatiling malusog ang isang may sakit hanggang sa maraming taon.
Paano Nakukuha ang HIV
Ang HIV ay sumasama sa likido ng lalaki (semen), likido ng babae (vaginal fluids), likido mula sa puwet, dugo, at gatas ng ina. Ang virus ay maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat o kaya ay sores sa balat, pati na rin sa bahagi ng katawan katulad ng loob ng ari ng babae, butas ng puwet, at bukana ng ari ng lalaki.
Ang HIV ay maaaring makuha sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- di ligtas na pakikipagtalik (anal o vaginal sex) sa taong may HIV
- pagamit o paghihiraman ng parehong karayom para sa pagtatattoo, pagamit ng drugs, at pagbubutas ng katawan
- pagamit ng injection na kontaminado ng dugo na may HIV
- pagkakaroon ng dugo, semen, o vaginal fluid mula sa taong may HIV papunta sa sugat
- pagsasalin ng dugo na may HIV
- pagkakapanganak mula sa ina na may HIV
- paginom ng gatas ng ina na may HIV
Ang HIV ay kadalasang nakukuha sa di ligtas na pagtatalik. Ang pagamit ng condom tuwing magtatalik at di paghihiraman ng karayom ay pwedeng pumigil ng pagkahawa nito.
Ang HIV ay maaari ring maihawa sa sanggol habang pinapanganak, at pinapasuso. Ang isang buntis na ina na may HIV ay maaaring uminom ng gamot para mapababa ang posibilidad na mahawa ang kanyang anak.
Ang HIV ay hindi naihahawa sa pamamagitan ng laway. Hindi ito nakukuha sa mga sumusunod;
- paghalik o pikikipaghalikan
- pagbabahagi ng pagkain o inumin
- pagamit ng parehong kubyertos
- pakikipaghawak kamay
- pagyayakapan o pagyakap ng mahigpit
- pagubo o pagbahing
- pagupo sa banyo
Mga Sintomas ng HIV
Ang HIV ay kadalasang walang sintomas, o ang mga sintomas ay katulad sa ibang sakit, kaya maaaring magkaroon nito nang di agad nalalaman. Kadalasan umaabot ng ilang taon bago makaramdam ang meron nito ng pagkakasakit.
Sa unang dalawa hanggang apat na linggo pagkalipas ng impeksyon, maaaring makaramdam ng pananakit ng katawan o pagkatrangkaso. Ito ay dulot ng reaksyon ng katawan sa impeksyon. Pagkatapos nito, maaaring wala nang kasunod na sintomas na umaabot ng ilang taon. Subalit ang HIV ay nananatili sa katawan at maaaring makahawa, may sintomas man o wala.
Kapag napinsala na ng HIV ang immune system sa pamamagitan ng pagsira ng CD4 cells o T-Cells, nagkakaroon ng madalas na pagkakaroon ng iba’t ibang sakit na dapat ay madaling nalalabanan ng katawan. Kapag di naagapan, ang pinsala na dulot ng HIV sa immune system ay nauuwi sa AIDS.
Nagkakaroon ng AIDS kapag nagkakaroon ng mga sakit na tinatawag na opportunistic infections, o di kaya kapag ang CD4 ay napakababa ang bilang. Ang agad na pagpapagamot ay pumipigil sa pagkakaroon ng AIDS.
Mga sintomas ng pagkakaroon ng AIDS:
- pagkakaroon ng Oral Thrush (makapal at maputing nakabalot sa bibig o sa dila)
- pananakit ng lalamunan
- matinding yeast infection
- madalas na pagkakasakit na pabalik balik o di gumagaling
- matinding pagkapagod at pagkahilo
- madalas na pananakit ng ulo
- mabilis na pagpayat o pagkawala ng timbang
- madaling pagsusugat
- madalas na pagtatae, lagnat, madalas na pagpapawis tuwing gabi o madaling araw kahit malamig
- pamamaga ng kulani sa katawan, sa lalamunan, ilalim ng kili-kili o sa singit
- madalas na pagkahingal
- pagdurugo ng bibig, ilong, pwet, o ari
- pamumula ng balat
- pamamanhid ng kamay at paa, di maayos na paggalaw, pagkahina ng kalamnan
Pagpapasuri ng HIV
Ang pagpapasuri sa pamamagitan ng HIV test ang tanging paraan para malaman kung nagtataglay ng ganitong virus. Ito ay libre at kompidensiyal na isinasagawa. Hindi maaaring magbase lamang sa mga nararamdamang sintomas dahil ang HIV ay kadalasang walang sintomas na nararamdaman na maaaring umaabot ng ilang taon.
Ang HIV testing ay madaling isinasagawa at hindi masakit. Makakabuti na malaman ang HIV status upang magkaroon ng kapanatagan ng isip at loob. At kapag nagkaroon ng HIV, agad itong magagamot at malabanan para mapanatili ang kalusugan at mapigil ang pagkalat nito sa iba.
Kapag nagkaroon ng HIV, ang katawan ay bumubo ng pananggalang na antibodies bilang panglaban sa impeksyon. Ang pinakakaraniwang uri ng HIV test ay ang paghahanap ng ganitong antibodies sa dugo.
Kadalasang inaabot ng tatlo hanggang anim na buwan upang ang katawan ay makabuo ng sapat na bilang ng antibodies para lumabas sa HIV test. Ang tawag sa bilang ng panahon na ito ay window period. Kapag nagpasuri sa habang nasa ganitong panahon, maaaring makakuha ng negatibong resulta kahit mayroong HIV. Kapag natapos na ang window period at tsaka nagpasuri ay masasabi na tiyak na ang resulta nito, kung negatibo.
Paano Isinasagawa ang HIV Testing
Bago kuhanan ng dugo ang isang nais magpasuri, kinakailangan munang ito ay dumaan sa Pre-counseling. Dito kinakausap ng isang volunteer HIV counselor ang pasyente at pinapaliwanag ang mga kaalaman tungkol sa HIV, kung papaano ito nakukuha, at kung papaano maiiwasan. Kasama ring tinatalakay ang mga risk factors at risky behaviors tungkol sa sex.
Ang pagpapasuri ng HIV ay kompidensyal at pinangangalagaan ng batas, Republic Act 8504, na kilala rin sa tawag na Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998. Kaya kung anuman ang mapaguusapan sa pagitan ng pasyente at ng HIV counselor ay mananatili lamang doon.
Pagkatapos makunan at masuri ang dugo, at maghintay, ang pasyente ay binibigyan ng piraso ng papel ng kanyang resulta. Kung walang makitang bakas ng HIV virus sa dugo, ang resulta ay ilalagay bilang Non-Reactive (NR). Kung hindi, ito ay nilalagay na Reactive (R).
Kapag ang naging resulta ay positibo o Reactive, ang pasyente ay ipapasailalim sa confirmatory test upang matiyak ang resulta. Kasunod nito ang pamimigay ng referral para sa pagpapagamot.
Ang mga treatment hub ay nagbibigay ng mga libreng panggamot na anti-retroviral. Ang mga gamot na ito ay tumutulong upang mapababa ang bilang ng virus sa katawan at pumipigil sa pagkakaroon ng AIDS.
Ang isang taong may HIV o person living with HIV (PLHIV) ay madalas makaramdam ng takot at pagaalala na baka layuan ng pamilya, o makahawa sa kapareha o asawa. Ang mga treatment hub ay nagbibigay ng suporta at life coach sa mga PLHIV.
Tags: hiv symptoms, hiv, aids, hiv testing center, aids symptoms, gamot sa aids, gamot sa hiv